Hiniling sa internatio­nal court ng mga Pilipino na guro na naka-base sa Hong Kong at na-stranded sa Manila dahil sa ‘travel ban’ sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na payagan na silang makabalik sa special Chinese administration region.

Sa Facebook group #StrandedPH na binubuo ng 1,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Hong Kong, idi­naan ng kindergarten na guro na si Joms Ortega ang kanilang apela sa International Court of Justice ng Hague.

Kasabay nito ay sinulatan din ng #StrandedPH ang foreign media ukol sa kanilang kalagayan.

“Some of our group administrators and mode­rators… created the letter, and pina-edit sa aming advisers. We sent it sa International Court of Justice para makalat ang information sa (so the information would spread in the) international community. The ban that was imposed was quite unfair,” ayon kay Ortega sa panayam ng DZMM.

Sa liham, iginiit nito na ang mga Filipino sa Hong Kong ay may iba’t ibang trabaho, na kinabi­bilangan ng mga teacher, engineer, entrepreneur, designer, pilot, flight ­attendant, journalist at domestic helper.

Ayon kay Ortega, handa naman umano ang mga OFW na lumagda sa isang ‘waiver’ na sila ang nagnanais na makabalik sa Hong Kong sa kabila ng pagkakaroon ng nakahahawa at nakamamatay na CO­VID-19 outbreak.

Nabatid na ang Pili­pinas ay mahigpit na ­ipinatupad ang ‘travel ban’ sa mula sa China at sa teri­toryo nito sa Hong Kong at Macau dahil sa paglaganap ng COVID-19, na nagmula sa Wuhan.

Samantala, pinag-aaralan na ng gobyerno ng Pilipinas na alisin na ang travel restrictions sa Hong Kong at Macau bilang protective measure sa banta ng COVID-19.

Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang travel restrictions ay ibabase sa ipinatutupad na protocol kung paano tinutugunan ng isang bansa ang COVID-19 na nagsimula sa Wuhan, China. (Dolly B. Cabreza)