Naghain ng oposisyon ang mga prosecutor ng gobyerno para harangin ang motion to travel ni dating Senador Jinggoy Estrada.
Pinayuhan ng prosekusyon si Estrada na sa Pilipinas na lamang ipagdiwang ang holiday season sa halip na magtungo pa sa Hong Kong kasama ang kanyang pamilya.
Sa oposisyon ng prosekusyon sa inihaing motion to travel ni Estrada, iginiit na hindi dapat payagan ng Sandiganbayan si Estrada na magbiyahe patungong Hong Kong mula December 26 hanggang 31, 2018 dahil wala naman umanong nakitang urgency para sa travel request nito.
Sa kanyang motion to travel, sinabi ni Estrada na hindi naman siya ‘flight risk’ at patunay ang mga nagdaan niyang biyahe sa ibang bansa at ang kanyang Hong Kong trip ay mahalaga umano para sa kanilang family bonding.
Iginiit naman ng prosekusyon na bagama’t kumpirmado sa mosyon ni Estrada ang hotel booking nito sa Hong Kong ay wala naman kasamang kumpletong itinerary at telephone number kung saan ito maaaring tawagan at matunton.