Hodge Madagundong ang pagbabalik

Nakakatulig ang pagbabalik ni Cliff Hodge, natuldukan na ang tatlong sunod na balentong ng Meralco makaraang tambakan ang pilay na KIA 105-76, Miyerkoles ng gabi sa 43rd PBA 2017-18 Philippine Cup elims sa Smart Araneta Coliseum.

Sa unang laro ni Hodge ngayong season mula sa injury, nagpakita agad ito ng 100% sa field matapos tumira ng 4 na beses na walang sablay sa 19 minuto tungo sa pagtapos ng walong puntos, anim na rebounds, at tatlong assists para ipalista ang 2-3 panalo talong baraha sa kanyang kampo.

Si Nino Canaleta naman ang nanguna para sa isang malaking panalo na umabot pa ng 34 points na kalamangan 104-70, may mahigit isang minuto nalamang ang nalalabi sa laro.

“It was nice to see my players play with a lot of effort tonight,” abot-taingang ngiting suma ni Norman Black.

“We played with purpose on defense right from the start and carried throughout the entire game. That’s what we have to do to win games,” dagdag ng Bolts coach.

Kumamada si Canaleta ng 17 points, at six rebounds, na sinundan nina Jared Dillinger ng 13 points, Anjo Caram 12 pts., at Baser Amer ng 10 markers.

Dahil sa kakulangan ng manlalaro ng Picanto bigong masundan nito ang unang panalo at pagulong sa 1-5 win-loss record, nasa ilalim ng 10-team cage league.

Sapaw ang pagtrangka ni Rashawn McCarthy sa KIA sa 17 pts. at 12 rebs., nag ambag din sina Mark Yee ng 14 pts., nine rebs., at Jon Gabriel ng 13 pts., at six rebs.

Ang iskor:

Unang laro

Meralco 105 — Canaleta 17, Dillinger 13, Caram 12, Amer 10, Hodge 8, Faundo 8, Hugnatan 7, Tolomia 7, Newsome 6, Ballesteros 6, Baracael 5, Salva 5, Sedurifa 1, Lanete 0, Bono 0.

KIA 76 — McCarthy 17, Yee 14, Gabriel 13, Galanza 9, Celda 8, Tubid 8, Caperal 3, Jamon 2, Sara 2, Ababou 0, Cabrera 0, Khobuntin 0.

Quarters: 27-21, 60-41, 79-58, 105-76.(Christian Cortez)