Hindi lamang ang mapabilang sa mga mi­yembro ng Hall of Fame ang pinakaimportanteng bahagi ng buhay nina Lydia “Diay” De Vega-Mercado, Rafael “Paeng” Nepomuceno at Olivia “Bong” Coo kundi ang makilala ang kanilang sakripisyo bilang atleta, pagmamahal sa sports at ang pagbibigay-karangalan sa bansa.

“Hindi madali ang maging atleta, hindi madali na magwagi. Hindi madali ang gawin lahat ng mga bagay na magiging dahilan para mapabilang ka sa mga katangi-tanging atleta na pararangalan ng ganito. Masaya ako na mapabilang sa Hall of Fame. Salamat sa pagkilala ninyo sa aming naibigay para sa bansa,” sabi ni De Vega.

Halos kahalintulad din ng tinaguriang Asia’s fastest woman na si De Vega ang pagpapasalamat ng mga bowling great na sina Nepomuceno at Coo na kabilang sa 10 ginawaran ng karalangan at iniluklok sa Philippine Sports Hall of Fame sa emosyonal na seremonya na isinagawa sa PICC noong Huwebes.

Ang tatlong sports icons ay nakasama ang elite na grupo ng Hall of Famers na mayroon na ngayong kabuuang 37 na miyembro sapul nang mai­sagawa sa pamamagitan ng batas noong 2010.
Kasama ng tatlo ang iba pang pinarangalan na sina boxing champ Erbito Salavarria, na hina­wakan ang WBC at WBA flyweight belts. Pinara­ngalan din sina Filomeno Codiñera (baseball/softball), Josephine dela Vina (athletics), Loreto Carbonell (basketball), Benjamin Arda (golf), Lita dela Rosa (bowling) at Sen. Ambrosio Padilla (basketball).