Sa wakas ay natugunan na ang matagal nang reklamo ng maraming may-ari ng sasakyan nagpapagawa sa Banawe St., Quezon City. Ayon sa kanila ay para kang ‘na-holdap’ ng mga ‘hustler’ na barker at mekaniko dahil sa kanilang kakaibang estilo ng pagsasamantala.

Talamak ang raket d’yan sa kilalang bilihan ng spare parts at paggawaan ng mga sasakyan. Bukod sa mekaniko, pati na mga may ari ng mga tindahan ng parts ay tila umaabuso na.

Kung una ka pa lang pupunta ka sa Banawe at wala pang tiyak na lugar na pagpapagawaan ng sasakyan o bibilhan ng spare parts, maghanda ka na sa daranasin mong kuyog.

Kukuyugin ka agad ng mga barker at mekaniko at maraming ituturo sa sasakyan mo para ipagawa. Sa bandang huli, magugulat ka na lang dahil ang laki na pala ng babayaran mo.

Kasi bukod sa serbisyo, may patong pa sa presyo ng spare parts na kinabit sa sasakyan kaya hindi mo maiwasang makaramdam na ikaw ay naisahan at ang mas masaklap, napagsamantalahan ng mga ‘hustler.’ Daig mo pa ang na-holdap!

Matapos na makarating sa kanya ang maraming sumbong, kakaibang liderato at inisyatibo ang muling ipinakita ni Quezon City Police Director Chief Supt. Guillermo Eleazar para aksyunan reklamo.

“‘Yung maraming ipagagawa maraming ituturo sayo eventually ang laki na ng babayaran mo and then ‘pag tatanggi ka parang iha-harass ka na kasi marami sila,” paglalarawan ni District Director Eleazar.

Hindi lingid sa Barangay Captain ng Tatalon na si Rodel Lobo na nakakasakop sa lugar na ito ang raket na ‘yan sa Banawe.

May mga pagkakataon pa nga raw na natatakasan ang motorista ng kausap niyang mekaniko kahit pa nagbigay na siya ng pera. “May nagbigay ng down payment tapos hindi na babalik ‘yung kausap na mekaniko,” ayon pa kay Chairman Lobo.

Ang matagal ng problemang ito ay inaasahan nang mababawasan, o kung hindi man agad na masasawata. Ito ay dahil napagpasyahan ni General Eleazar na panahon na para manghimasok ang mga awtoridad para matigil na ang ganitong uri ng pang-aabuso.

Sa pangunguna ni District Director Eleazar, katuwang ang Quezon City Station 11 sa pangunguna ni Station Commander Christian dela Cruz, tinipon nila ang profile o background ng mahigit 300 freelance na mekaniko sa Banawe.

Ang mga napiling mekanikong dito ay binigyan ng mga identification card para maging bahagi ng grupo ng mga lehitimong auto technician sa Quezon City.

Makikita rin sa kanilang I.D. ang contact number ng barangay at ang numero ng police station na maa­ring pagsumbungan ng motorista. Sa ganitong paraan, makakaiwas na ang mga motorista sa mga mapang-abusong technician.

Naniniwala si Kapitan Lobo na malaki ang maitutulong ng inisyatibong ito ni General Eleazar, “Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng organisadong grupo mababawasan po natin, if not totally eliminate this problem.”

Pinapayuhan naman ni Director Eleazar ang mga motorista na makipag-ugnayan lamang sa mga technician na may suot na I.D.

Hindi dapat makipag-transact ang ating mga motorista du’n sa mga walang I.D. at kung meron naman silang nakita na may I.D. ay mayroon silang reklamo ipagbigay alam sa’min.”

Two-thumbs up ako sa ginawa mong ‘yan Director Eleazar!