Holdaper dedo sa enkwentro

Isang hinihinalaang adik na holdaper ang nasawi matapos makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Dead on the spot sa tinamong dalawang tama ng punglo sa katawan ang suspek na nakilala lamang sa nakuhang ID na si Jobert Aroa, 38, ng #2981 H. Santos St., Brgy. Carmona, Makati City.

Sa report na natanggap ni Police Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., director ng Southern Police District (SPD), alas-3:15 ng madaling-araw nang rumesponde ang mga tauhan ng Intelligence Section at Police Community Precinct (PCP) 2, ng Makati City Police sa Emilia St., Brgy. Palanan ng naturang siyudad sa boundary ng Pasay mula sa report na nagkaroon ng holdapan sa naturang lugar.

Agad naman sinalubong ng putok ng baril ang mga pulis hanggang sa magkaroon ng enkwentro at napatay ang suspek.

Narekober sa bangkay ng suspek ang isang baril na kalibre .38.