Napatay ng mga tauhan ng Northern Criminal Investigation and Detection Group ang isang suspek sa panghoholdap na sangkot din umano sa droga matapos na maki­pagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern CIDG chief Supt. Charlie Cabradilla, kinilala ang suspek na si Anthony Garcia, 30-­anyos, na nasa drug watchlist umano ng kanilang barangay.

Pasado ala-una ng madaling-araw nang holdapin ng suspek ang 35-anyos na si Janine Orbita at tinangay ang bag nito na naglalaman ng P450 cash at ang suot na gintong kuwintas habang naglalakad pauwi sa Salmon St., Barangay 8, Caloocan City.

Nakahingi ng saklolo ang biktima sa mga tauhan ng Northern CIDG na nagsasagawa ng Oplan Pagtugis-Paglalansag malapit sa lugar kaya tinugis ng mga pulis ang suspek.

Pero sa halip na sumuko nang makorner ay nanlaban umano ang suspek, dahilan para mapatay ito.

Isang baril na kalibre .38 na kargado ng tatlong bala ang narekober sa napatay na suspek at nakakuha rin sa kanya ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Nabawi rin ang bag at gintong kuwintas ng biktima.