Isang lalaki ang nasa kritikal na kondisyon makaraang mabaril ng mga rumespondeng pulis ilang minuto matapos mang-hostage ng isang babaeng pasahero ng jeep nang mabulilyaso ang tangkang panghoholdap sa MacArthur Highway, Brgy. Ninoy Aquino, Angeles City, Pampanga nitong Martes ng madaling-araw.

Base sa report ni Chief Supt. Amador Corpus, regional director ng Police Regional Office 3, nakilala ang suspek na si Roel de Dios na isinugod sa Rafael Lazatin Memorial Hospital bunga ng tama ng bala sa ulo at katawan matapos makipagbarilan sa mga pulis.

Nabatid na pasado alas-kuwatro ng madaling-araw nang magtangkang looban ni De Dios ang isang bahay sa Brgy. Mining, Angeles City pero natunugan ito ng may-ari at kapitbahay kaya hinabol ng mga ito ang suspek na mabilis na sumakay sa pampasaherong jeep.

Pagdating sa Brgy. Ninoy Aquino, dito na nang-hostage ang suspek ng pasaherong si Melba Ching. Nagbabaan sa takot ang iba pang pasahero pati ang drayber na si Jojo Dumlao na siyang nagsumbong kina SPO1 Nielson Egloria at PO1 Ren Mar Reyes, na mabilis na nagresponde.

Nakipagnegosasyon pa ang dalawang pulis sa suspek na pakawalan ang kanyang hostage pero putok ng baril ang isinagot nito hanggang sa makakuha ng ti­yempo ang mga awtoridad at nabaril sa ulo at katawan si De Dios.

Nailigtas ang kanyang hostage habang isinugod naman sa pagamutan ang suspek kung saan ito nakaratay ngayon.