Patay ang isang hindi pa nakikilalang suspek sa panghoholdap matapos umanong manlaban sa mga pulis na rumesponde sa paghingi ng saklolo ng biniktima nitong babae sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa ulat ni Chief Inspector Raymond Nicolas, hepe ng Caloocan City Police Community Precinct 3, pasado alas-tres ng madaling-araw nang mangyari ang shootout sa Phase 9, Package 9, Brgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Bago napatay ang suspek ay humingi umano ng tulong sa nasabing presinto ang biktimang si Rosemarie Alcantara, 48-an­yos, matapos holdapin ng nasawi.

Naglalakad umano noon ang biktima patungo sa public market nang harangin ng suspek at tinutukan ng baril saka nagdeklara ng holdap. Puwersahang kinuha ng suspek ang pera, cellphone at iba pang personal na gamit ng biktima.

Agad na tumakas ang suspek nang makuha ang pakay samantalang mabilis namang nagsumbong sa presinto ang biktima kaya nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis.

Namataan ng mga pulis ang suspek pero sa halip na sumuko ay nan­laban umano ito at pinaputukan ang mga awtoridad na masuwerteng walang tinamaan. Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .38 na baril, anim na plastic sachet ng shabu at ang mga kagamitang ninakaw sa biktima.