Patay ang isang holdaper matapos na makipagbuno sa pulis na aaresto sa kanya matapos holdapin ang isang dalaga na namamalengke sa Balintawak, Quezon City, Sabado ng gabi.
Batay sa deskripsyon ni PCpl. Morshid D. Tanog ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit nasa 25-30 ang edad ng hindi pa nakikilalang suspek na may taas na 5’4”, maliit ang pangangatawan, nakasuot ng itim na face mask, puting t-shirt at checkered short pants.
Sa pahayag ng biktimang si Katherine Jane Valdez, 34, dakong alas-8:15 ng gabi habang naglalakad siya patungo sa Balintawak Market nang dikitan ng suspek.
Tinutukan umano siya ng patalim at mabilis na hinablot ang kanyang bag na naglalaman ng cellphone saka mabilis na tumakas ang holdaper.
Humingi ng saklolo ang biktima at nagkataon naman na nagroronda ang mga pulis na sina PCpl. Greggy Albay, Michael Bilar, Sharol De Vera, at Benjamin Bongolan ng Traffic Enforcement ng Northern Police District (NPD) at hinabol ang suspek hanggang sa nakorner ito.
Sa halip na sumuko, inundayan umano ng saksak ng suspek si PCpl. Bilar pero hindi ito tinamaan hanggang sa nagpambuno ang dalawa. Dito na bumunot ng baril si PCpl. Albay at pinutukan ang suspek na tinamaan ng bala sa ulo at agad namatay.
Nabawi ng mga pulis ang ninakaw na bag ng biktima na may lamang cellphone na nagkakahalaga ng P4,000. (Dolly Cabreza)