Holdaper natodas

Patay ang isa sa tatlong holdaper nang maki­paghabulan at makipagbarilan sa isang pulis na tumugis sa kanila matapos mangholdap sa isang pampasaherong bus sa Pasay City kahapon ng tanghali.

Ayon sa report ni Supt. Jenny Tecson, spokesperson ng Southern Police District, pasado alas-12:00 ng tanghali nang holdapin ng tatlong `di pa nakikilalang lalaki ang isang Metrolane bus na biyaheng Valenzuela-NAIA pagdating nito sa Sen. Gil Puyat Avenue corner FB Harrison.

Armado umano ng baril at granada ang mga suspek at nang masamsam ang mga pera, cellphone at iba pang kagamitan ng mga pasahero ay bumaba pagdating sa Leveriza St., Pasay City.

Tiyempo namang nagpapatrulya si PO1 Rey Bautista ng Pasay City Police na inalerto na ng mga awtoridad tungkol sa naganap na holdapan kung kaya’t nahabol niya ang mga ito.

Nasawi ang hindi pa nakikilalang suspek habang nakatakas naman ang dalawang kasama­han nito sa panghohol­dap.