Dead-on-the spot ang isang holdaper na sakay sa motorsiklo habang nakatakas ang kasama nito sa naganap na shootout sa Quezon City, nitong Martes nang hatinggabi.
Inilarawan ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Brig. Gen. Ronnie Montejo ang napatay na may taas na 5’1”, katamtaman ang katawan, kayumanggi, may tattoo na “RAD somo”, “VICTOR, Ely Roy”, at Sputnik sa katawan, nakaitim na T-shirt, grey pants, red slippers, itim na mask at arm sleeves.
Sa imbestigasyon, ang shootout ay naganap alas-12:45 ng hatinggabi (January 7) sa Phase 2 Lupang Pangako, Brgy. Payatas B, QC.
Una rito, hinoldap ng suspek at kanyang angkas ang biktimang si Rachelle Plaza Pardillo, 21, bank teller Banco De Oro (BDO) at taga-Phase 3, Blk. 7, Lot 836, Lupang Pangako, Brgy. Payatas, QC.
Nagkataon namang nagpapatrulya ang mga tauhan ng QCPD Batasan Police Station 6 kaya mabilis na rumesponde, hinabol ang mga papatakas na suspek na nagresulta ng pagkamatay ng isa habang nakatakas ang kasama.
Nabawi ng pulisya ang mga personal na gamit ng bank teller kabilang na ang mga ATM card nito, P4,697 cash at iba pang kagamitan.
Nasamsam ng SOCO team sa crime scene ang isang Yamaha Mio na walang plaka, caliber .38 revolver, mga bala ng kalibre .45 at .9mm na baril. (Dolly Cabreza)