Patay ang hinihinalang holdaper habang isa pa ang sugatan at dalawa ang naaresto matapos maki­pagbarilan sa mga tauhan ng Makati City at Quezon City Police sa follow-up operation sa serye ng holdapan sa Quezon City, Manila, Pasay at Makati kahapon ng umaga.

Sanhi ng mga tama ng bala ng hindi mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay namatay sa pinangyarihan ng insidente ang suspek na si Joemark Dela Serna y Tumpang, nasa hustong gulang ng 23 Sampaguita St. East Bagong Barrio, Caloocan City.

Habang sugatan ay agad na naisugod sa Ospital ng Makati ang isa sa suspek na si Jawee Mike Santos y Saguid, nasa hustong gulang, ng 436 Sampaguita St., East Bagong Barrio Caloocan City, sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Arestado naman ang mga kasamahan na sina Rodolfo Dela Cruz, 25, binata, ng 85 Filipino Avenue, Masigasig Compound Balong Bato, Quezon City at Edmundo Sarmiento Jr. ng No.133 Concia St. San Andres Bukid, Sta. Ana, Manila.

Sa ulat ni SPO3 Noel Pardinas ng Makati City Police, dakong alas-11:20 ng umaga naganap ang panghoholdap sa panulukan ng Enrique at Filmore Sts. Brgy. Palanan ng nasabing lungsod.

Tinutukan ng baril at hinoldap ng mga suspek ang biktimang si Ras Brino, 57, isang Indian national na nagpapautang ng 5-6 sa lugar, lingid­ sa kaalaman ng mga hol­daper ay sinusubaybayan sila ng mga tauhan ng CIDG sa pangunguna ni Chief Insp. Garman Manabat.

Papatakas na ang mga suspek matapos makuha ang pera at mga personal na gamit ni Brino nang mapansin ang mga pulis sa lugar kaya pinaputukan ang mga ito. Dito gumanti ng putok ang mga awtoridad hanggang sa duguang bumagsak at agad na binawian ng buhay si Dela Serna samantalang nasugatan si Santos.

Hindi na nakapalag sina Dela Cruz at Sarmiento nang posasan ng mga pulis.

Sa pagsisiyasat, kamakalawa ng gabi hinoldap din ng naturang grupo ng holdaper ang naningil ng pautang na 5-6 na pamangkin ni Brino na hindi binanggit ang pa­ngalan sa Baclaran, sakop ng Pasay City at natangay ang P26,000 cash.

Ang apat na suspek din ang sinasabing responsable sa tatlong beses na holdapan na bumibiktima ng Indian sa Quezon City at ilang insidente pa sa karatig lungsod.