Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang kilabot na hol­daper matapos nitong hol­dapin ang isang senior citizen na taxi driver na kanya pang pinagsusuntok at tinangay ang minamanehong taxi ng biktima sa isinagawang follow-up operation sa Quezon City.

Kinilala ang sugatang biktima na dinala pa sa Quezon City General­ Hospital na si Simeon Miranda, 63, ng Balinta­wak, Quezon City matapos magtamo ng mga sugat at pasa sa kanyang katawan sanhi ng pagkakabugbog.

Nakakulong at nahaharap naman sa kasong Robbery Hold-up, Frustrated Homicide at Carnapping ang suspek na si Michael Gerard Quebral, 22, single, ng Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Ayon kay QCPD Station 3, Commander Police Supt. Danilo Mendoza, noong Lunes, Agosto 7, alas-11:00 ng gabi nang holdapin, bugbugin at tangayin ng suspek ang taxi ng biktima sa Carmel 5 Subdivision, Brgy. Tandang Sora, Quezon City.

Hindi naman nag-aksaya ng oras ang biktima at agad itong nagreklamo sa QCPD Station 3 at sa pamamagitan ng rogues’ gallery ay nakilala nito ang suspek, kaya’t agad ikinasa ang follow-up operation hanggang sa maaresto ang suspek kahapon.