Holdaper patay sa engkwentro

Patay ang isang hol­daper matapos na manlaban at paputukan ang mga ala­gad ng batas na humahabol sa kanya nang agad na makahingi ng saklolo ang kanyang biniktimang isang call center agent kahapon ng madaling-araw sa Lungsod ng Quezon.

Sa ulat ng Quezon City Police District ay ganap umanong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng NIA Road at BIR Road sa Barangay Pinahan ng nasabing lungsod.

Bago ang insidente ay humingi umano ng saklolo ang biktimang nakila­lang si Annabelle Arieta na isang call center agent na hinoldap umano ng hindi pa nakikilalang suspek sa kahabaan ng Quezon Avenue ng nasabi ring lugar, naglalakad umano noon ang biktima galing sa kanyang pinapasukang call center nang harangin ng suspek na armado ng baril at sapilitang kunin ang mga kagamitan nito.

Matapos makuha ang pakay ay agad ding tumakas ang suspek at mabuti na lamang ay nakahingi ng saklolo ang biktima sa mga rumorondang pulis na agad namang hinabol ang suspek ngunit sa halip na sumuko na lamang ay pinaputukan pa umano ng suspek ang mga pulis na humahabol sa kanya dahilan upang gantihan na rin siya ng putok ng mga ito.