Bulagta ang isa umanong holdaper matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa madilim na bahagi ng Metropolitan Theater, kamakalawa ng gabi sa Ermita, Maynila.
Kinilala ni PO3 Jeffrey Laus, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section ang suspek na si Jinggoy Baholo, alyas ‘Ingoy’, 26 at taga-659 Plaza Lawton, Ermita, Maynila.
Bago ang insidente ay nangholdap umano sa ilalim ng McArthur Bridge ang suspek kaya nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Lawton Police Community Precinct para arestuhin ang suspek.
Lalapitan umano nina PO1 Argel de Leon at PO1 Gerald Metalcero ang suspek matapos magtugma ang deskripsyong ibinigay ng biktima sa suspek na humoldap sa kanya dakong alas-10:15 ng gabi pero kaagad silang pinaputukan ng ‘sumpak’ bago pa man makalapit dahilan para barilin ng mga pulis na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Nakuha ng mga pulis ang sumpak na ginamit ng suspek.