Sumuko kahapon ang isa sa tatlong holdaper at ‘drug courier’ na bumaril at pumatay sa isang opisyal ng Parañaque City Police sa kainitan ng panghoholdap sa loob ng convenient store sa lungsod nitong Linggo ng madaling-araw.

Dakong alas-10:00 ng umaga kahapon nang iprisinta sa mga mamahayag nina Parañaque City Mayor Edwin Olivarez at Parañaque Police Chief, Senior Supt. Jose Carumba ang suspek na si Joel Betuaran, 29, ng Pildera II Pasay City at nakatakdang sampahan ng kasong murder sa City Prosecutor’s Office matapos mapatay ang biktimang si Chief Insp. Nelson Pagaduan, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 2 ng Parañaque City Police.

Nangako naman ng tulong pinansiyal si Olivarez at ng pulisya para sa naulilang pamilya ni Pagaduan lalo na’t tatlong maliliit na anak ang naiwan nito.

“Sa pagbibigay po pamahalaang lokal ng financial assistance sa pamilya ni Pagaduan ay kinakaila­ngan lang na magpasa ng resolusyon at karaniwang ipinagkakaloob na ayuda at hindi bababa sa P50,000,” paliwanag ni Public Information Office Chief, Mar Jimenez.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:12 ng madaling-araw nang holda­pin ni Betuaran kasama ang suspek na si Freddie Palacay, alyas ‘Fred’ ng Pasig City, ang 7-11 convenient store sa Pascor Drive, Brgy. Sto. Niño sa lungsod ng Parañaque.

Habang hinoholdap nina Betuaran at Palacay ang nasabing tindahan ng duma­ting ang biktima na bibili lang ng tubig na ikinataranta ng mga suspek kaya ito binaril.

One Response

  1. ano ang pagkakaiba ng sundalo sa pulis ,,,ang sundalo pag napatay ng mga rebelde 250k binibigay ni duterte sa pulis 50k lang eh pare pareho lang na gumganap sila sa tungkulin,,pakisagot nga ito general bato at digong..