Bangkay na tinanghal ang tatlong holdaper na mga armado ng baril at granada nang maka-engkwentro ng mga pulis na rumesponde sa paghingi ng saklolo ng isang ginang na hinoldap ng mga suspek sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Base sa report kay Quezon City Police District acting director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, nangyari ang shootout malapit sa panulukan ng Maximo Viola St. at Sto. Domingo Avenue sa Brgy. Balingasa kung saan dead on the spot ang tatlong suspek na pawang nasa 25 hanggang 35-taong gulang.
Ang mga suspek ang sinasabing nangholdap sa negosyanteng ginang na si Lita Madera y Ellardo, 47-anyos, na taga-Quezon City.
Sa pag-iimbestiga ni PO2 Virgilio Mendoza, nagpapatrulya ang grupo ni Inspector Aldrin Bagayao ng QCPD-Station 1 sa Banawe St. kanto ng Del Monte Avenue nang makita nila ang biktima na humihingi ng tulong matapos holdapin ng mga suspek na sakay ng kulay orange na tricycle na walang plaka.
Agad na inalarma ni Bagayao ang insidente sa kanilang Station Tactical Operation Unit dahilan para rumesponde ang police riders ng Tactical Motorcycle Unit at naispatan ang mga suspek.
Tinangkang lapitan ng mga pulis para pasukuin ang mga ssuspek pero nanlaban umano ang mga ito at agad nagpaputok ng baril kung kaya’t gumanti na rin ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, narekober sa pinangyarihan ng shootout ang dalawang baril na caliber .45 at .357, isang granada, at maging ang bag ng ginang na naglalaman ng P170.00 cash.
Base sa salaysay ng ginang, nag-aabang siya ng masasakyan sa Banawe St. para mamalengke sa Blumentritt nang huminto sa kanyang harapan ang tricycle sakay ang mga suspek.
Inalok pa umano siya ng mga suspek na sumakay subalit kasunod nito ay sapilitan ang kinuha ang kanyang bag na inakala marahil ng mga ito na naglalaman ng malaking halaga ng pera.
Sinabi ng ginang na may dala siyang pera ng oras na iyon ngunit hindi ito nakalagay sa bag kundi nakatago sa kanyang katawan.