Umentra na nga ang holiday fever. Unti-unti na itong nararamdaman sa mga tiangge at mga paboritong pamilihan ng maraming Pinoy.

Sa Metro Manila ay sentro pa rin ng holiday fever tuwing kapaskuhan ang malalaking pamilihang pangmasa, ang Divisoria at Baclaran. Hindi pa rin natatalo ang dalawang baratilyo centers na ito kung pamurahan ng presyo ang pag-uusapan.

Dahil naibalita kamakailan na ibinigay na daw ang 14th month pay at P5,000 cash bonus ng mga government employees at isa-isa na ring namimigay ng 13th month pay at bonus ang ilang pribadong kompanya, e talagang umentra na nga ang holiday fever.

Kanya-kanyang shopping na ng panregalo habang hindi pa gayon kasiksikan.

Pati ang palitan ng piso kontra dolyar, naki-holiday fever na rin. Lumalakas na ang piso kontra dolyar.

Tuwing magpa-Pasko ay ganito talaga ang kondisyon ng piso. Bumubuhos kasi ang pasok ng dolyares mula sa mga OFW. ‘Yung iba ay nagbabakasyon pa nga sa bansa bitbit ang naipong dolyares.

Isa rin sila aa nagpapasikip sa mga shopping mall.

Habang natutuwa sa ekstrang pera tuwing Kapaskuhan, maganda ring itatak sa isip na maraming kondisyon at sitwasyon kapag ganitong Kapaskuhan ang artipisyal. Panandalian lamang at mawawala rin oras na bumalik sa normal ang lahat
Kaya napakahalaga na huwag ubusin ang dumadating na ekstrang pera sa panahong ito. Kailangang magtira at magtabi nang may madukot sa panahon ng kagipitan.

Sa ngayon ay bahagyang nararamdaman ang hinay-hinay na pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Siguro nga ay epekto ito ng pagkakasuspende ng excise tax sa petrolyo na nakapaloob sa perwisyong TRAIN Law. Nakailang rollback na nga ng oil prices.

Ito sana ay huwag masama sa artipisyal na mga kondisyon ngayong Kapaskuhan. Sana nga, hanggang sa papasok ng taong 2019 ay suspendido pa rin ang excise tax ng TRAIN Law para naman magnormalisa na ulit ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.