Nagpalabas ng guidelines ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa tatanggapin suweldo ng mga mang­gagawa ngayong Nobyembre 1 (All Saints’ Day) at Nobyembre 2 (All Souls’ Day).

Hindi makakatanggap ng anumang bayad ang mga workers na hindi papasok sa Nobyembre 1 at 2 na deklaradong special non-working day.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, ito ay kapag pinili nilang bumisita sa puntod ng kani-kanilang mahal sa buhay sa All Saint’s day at All Soul’s day kaysa magtrabaho.

Gayunman, ang mga manggagawa na magtatrabaho sa nabanggit na petsa ay makakatanggap ng karagdagang 30% sa kanilang arawang suweldo sa unang walong oras. At kung overtime naman ay karagdagang 30% sa bawat oras na kanyang itatrabaho (Hourly Rate ng basic wage x 130% x 130% x bilang ng oras na nagtrabaho).

Kapag natapat sa rest day ng empleyado ang nabanggit na holi­day, dapat magkaroon siya ng karagdagang 50% ng kanyang basic wage sa unang walong oras o (Basic wage x 150%) + COLA).

Alinsunod sa DOLE guidelines, ang ‘no work, no pay’ principle ay maa-apply, maliban kung mayroong favorable company policy, practice o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng bayad sa isang espesyal na araw. (Juliet de Loza-Cudia)