Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na asahan ang mas mabagal na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) ngayong panahon ng Kapaskuhan dahil sa pagdagsa ng mga shopper, dayuhan at turista na mamamasyal sa Kalakhang Maynila.

Kaya naman ayon kay EDSA Traffic Ma­nager Bong Nebrija, asahan na aabot lamang sa 20 kilometer per hour ang magiging takbo ng mga sasakyan sa nasabing lansangan.

Dagdag pa ni Nebrija, mayroon tayong 10 kilometer hanggang 20 kilometer na biyahe tuwing weekdays lalo na kapag Biyernes dahil sa sunod-sunod na Christmas party at event at nakadagdag pa ang lagay ng panahon kung saan ay nag-uulan na kadalasang nagkakaroon ng trapik.

“Marami na pong nag-Christmas rush, Christmas party, and marami po tayong ga­ling sa mga karatig na probinsya natin na dito namamasyal,” paliwanag ni Nebrija.

Kaugnay nito, sinabi ni Nebrija na may mga nakatalagang traffic enforcer na gagabay sa mga motorista ngayong­ holiday season.

Walang day off at bawal umabsent ang mga traffic enforcer na naka-assign sa Edsa.

Pero hindi lang aniya ang mga traffic enforcer ang makakasolusyon sa trapiko sa kahabaan ng EDSA kundi sa tulong din ng mga motorista kung magkakaroon ng disiplina sa kalsada.

“Sa mga nagsasabi na four hours, three hours silang nasa Edsa, sorry for the inconvenience but this is something that we all need to be part of solving the traffic,” ani Nebrija.