BOSTON, Massachusetts — Buhos talaga ang Boston Celtics sa lahat ng laro ngayong 71st NBA 2016-2017 postseason sa TD Garden.
Tampok naman nitong Huwebes (Manila time) sa Boston ang eksplosyon ni Avery Bradley na nagtubog ng playoff career-high 29 points upang wasakin ang Washington Wizards, 123-101, at itulos na ang 3-2 edge sa kanilang Eastern Conference semifinals.
Nagkapira-piraso sa Washington sa Games 3 at 4, nagpasa-pasahan ang Celtics sa Game 5 tungo sa seven straight victory at 11 of 13 sa balwarte laban sa Wizards.
Nakabalabal si Al Horford ng 19 points, seven assists, at six rebounds at pumasada si Isaiah Thomas ng 18 points bukod pa sa kumartada ng nine assists.
“We’re a team. And it’s going to take a team effort to beat the Washington Wizards,” salaysay ni Bradley.
Sabado ng umaga (Manila time) ang Game 6 sa Washington, lugar na nagpapasiklab ang Washington. Kung palarin, aakyat ang Boston at ihu-host ang Cleveland Cavaliers sa opening ng Eastern Conference finals.
Pero kung may Game 7 sa Lunes ito sa Boston.
Nakabentahe ang Boston ng 26 points, kinalos ang mapisikal na laro ng Washington at pinalawig ang floor sa pagsasalpak ng 16 3-pointers.
Samantala, kuwestiyonable kung makakapaglaro si Kawhi Leonard ng San Antonio Spurs sa Game Six sa Biyernes (Manila time) kontra Houston Rockets.
Isang panalo na lang ang kailangan ng Spurs at swak na ito sa semifinals kung saan makakasagupa nito ang Golden State Warriors.
Nagtamo ng minor injury sa kanyang sakong si Leonard nang matapakan ang paa ni James Harden sa Game 5 kung saan nanalo ang Spurs matapos ang tatlong OT.