Nagkakaubusan na ng alcohol at panglinis/sanitizer sa mga supermarket dahil ang ilan ay hindi mapigil sa pagho-hoard. May mga maaangas pang nagsasabing “the customer is always right” at “marami akong pambili kaya’t bibili ako hanggang kaya ko.”
Ang ganitong pag-uugali ang lalong makakapagpalala sa problema ng pagkalat ng COVID-19. Tinatanggalan natin ng proteksyon ang mga taong hindi na makabili ng panglinis dahil hinoard na ng iba.
Mabuti na lang at may itinuro ang isang propesor ng chemistry sa Philippine Normal University (PNU) na paggawa ng home-made sanitizer.
Kabilang sa mga kakailanganin ay ang sumusunod:
• Suka, kahit anong uri
• 4 na tasa ng mainit na tubig
• Essential oil
• Spray bottle na may lamang kalahating tubig
Pamamaraan:
Lagyan ng kalahating suka ang spray bottle na may kalahati nang tubig at lagyan din ng ilang drops ng essential oil para matanggal ang amoy ng suka. Mas mainam ang water-soluble essential oil.
Haluin ang ingredients sa pamamagitan ng marahas na pag-alog ng bote at ipang-spray sa mga lugar na maaaring kapitan ng droplets ng COVID-19.
Para naman ma-disinfect ang sahig/tiles at kitchen counter, bukod sa matanggal ang grasa, kailangan ng:
• 4 na tasa ng mainit na tubig
• 1/2 tasa ng suka
• 1 kutsarang baking soda
• 1 hiwa ng lemon o tatlong kalamansi
Paghaluin ang apat na tasa ng mainit na tubig, kalahating tasa ng suka, 1 kutsaritang baking soda at lemon o kalamansi sa isang mangkok. Ilipat ito sa spray bottle. Magandang pang-spray sa sahig o sa kitchen counter.
Ang hydrogen peroxide o agua oxinada naman ay maaari ring ipanglinis ng mga gamit at sahig. Mag-spray nito sa sahig o gamit at iwan nang 5 hanggang 10 minuto bago ito punasan. Mag-spray din ng suka makalipas ito. Masangsang ang amoy nito kaya’t dapat ay walang tao sa lugar na paglilinisan sa loob ng 5-10 minuto. Nakamamatay ng germs ang hydrogen peroxide.
Inirerekomenda rin ni Prof. Datukan ang paggamit ng virgin coconut oil na pampahid sa balat (kamay hanggang braso) para maiwasan ang virus, kung wala talagang alcohol.
Pero pinakamainam pa rin aniya ang madalas na paghuhugas ng tubig at sabon para mamatay ang virus.