Honasan ‘wag sa DICT ipuwesto — Lacson

Naniniwala si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na mas makabubu­ting italaga sa ibang posisyon sa gabinete si Senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan sa halip na maging kalihim ito ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ipinaliwanag ni Lacson na ito ay para maiwasan ang anumang kontrobersiya sa pagtatalaga kay Honasan.

“Oo kung kaila­ngan siya sa Cabinet at para mawala ang issue na DICT ang ano, bakit nga ba, huwag na lang sa DICT para walang issue, sa ibang department na natin ilagay. Ito ang posibleng mangyari,” sabi ni Lacson.

Aminado si Lacson na bukod sa kapos na sila sa oras noong Disyembre ay mayroong constitutional provision sa pagtatalaga kay Honasan sa DICT kaya’t hindi na ito isinalang sa Commission on Appointments (CA).

“Pero ang naging issue talaga dahil may constitutional provision na isang sitting senator na ‘pag may batas na naipasa na apektado siya ‘di siya puwede makinabang,” sabi ni Lacson.

Inihayag ni ­Lacson na ang DICT Law ay naipasa noong ­panahong si Honasan sa Senado kaya may posibleng may malabag na batas.

“Although ‘di ito hard and fast rule. Pero ‘yan ang interpretation. So napag-isipan na para wala nang usapin mas maganda huwag na natin isalang parang bigyan na lang, sa sign of caution sa pag-interpret sa Commission,” paliwanag pa ni Lacson.