May hiwalay na aktibidad na inihanda ang common-law wife ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Cielito ‘Honeylet’ Avanceña para sa mga kabiyak ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) leaders kahapon kasabay ng opisyal na pagbubukas ng 30th ASEAN Summit na pinangangasiwaan ng Pilipinas.
Pagkatapos ng opisyal na pagbubukas ng ASEAN Summit sa PICC ay ipinasyal ni Avanceña ang mga first ladies na kinabibilangan nina Iriana Widodo ng Indonesia, Naly Sisoulith ng Laos, Naraporn Chan-o-Cha ng Thailand, at Tran Nguyen mula sa Vietnam.
Bilang bahagi ng paglilibot sa National Museum ay nagpakuha ng larawan ang grupo ng mga maybahay ng mga ASEAN leaders sa 4.22-metrong taas na “Spoliarium” painting ni Filipino artist Juan Luna.
Ang mga first ladies ay sinamahan din sa pamamasyal ng kabiyak ng mga ASEAN ministers at ambassadors.
Hindi ito ang unang pagkakataon na umasiste si Avanceña sa kabiyak ng isang lider dahil ito rin ang sumama kay Akie Abe, misis ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe nang bumisita ito sa bansa noong Enero.