Straight from the horses’ mouth, sinabi ng marami sa 128 stranded OFWs na nakauwi na mula sa Saudi Arabia na nawalan na sila ng pag-asa na matulungan ng nakaraang administrasyon.
Matapos matanggal sa kani-kanilang trabaho sa pagbagsak ng presyo ng krudo sa world market, nabuhay na isang kahig, isang tuka ang mga OFWs.
Sa kanilang pagdating sa airport, sinalubong sila mismo ni President Rodrigo Duterte. Ang repatriation nila ay pina-expedite ng Pangulo kay Labor Secretary Silvestre Bello.
Personal
Actually, nagpahanap na ng eroplano si President Duterte para personal na pumunta ng Riyadh ngunit nakumbinsi na rin siya na si Secretary Bello na ang kumatawan sa kanya roon.
Pagdating sa Saudi ay agad ipinaayos ni Bello ang financial assistance sa libu-libong stranded OFWs — P20,000 para sa bawat OFW at P6,000 para sa bawat OFW family.
Agad ring iniutos ng Pangulo ang pagkakaloob ng P5,000 karagdang tulong sa 128 OFWs gayundin ang loan assistance para makapagtayo sila ng maliit na negosyo.
Iniipit
Ang mga natitira pang OFWs sa Saudi ay inaayos na ang repatriation o kaya ay ang paglilipatan nilang trabaho roon matapos na ilang Saudi companies ang nagsabing maaari silang ma-absorb.
Sa kuwento ng isang OFW, inipit sila ng kanilang kumpanya sa pagharang na mabigyan sila ng exit visa gayung wala nang dahilan para manatili pa sila sa Saudi.
Pero sa pakikipagtulungan na rin ng pamahalaan sa Saudi Arabia ay mismong ang hari ng oil-rich nation ang nag-utos na bigyan agad ng exit documents ang stranded OFWs.
Stay safe
Maraming OFWs lalo na iyong mga may kamag-anak sa Davao City ang siguradong nadismaya sa pagsabog na nangyari sa isang night market sa siyudad kung saan ay ilang taon na nagsilbi si Pangulong Duterte bilang mayor.
Inamin na ng grupong Abu Sayyaf ang pagpapasabog at ngayon nga ay naka-heightened alert ang militar at kapulisan.
Ang pag-atake ay malinaw na taktikang tugon sa deployment ng Armed Forces of the Philippines ng ilang batalyon sa Sulu at Jolo para wasakin ang grupo alinsunod sa utos ng Pangulo. Stay safe everyone.
Come follow Me on Twitter @beeslist. Kung may nais iparating via Usapang OFW itawag sa 551-5163 o mag-email sa usapang_ofw@yahoo.com.