Tatlong indibidwal ang pinangalanan ng Manila Police District (MPD) na umano’y itinuturing nang mga suspek sa hazing na nagresulta ng pagkamatay ng freshman UST law student na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III.
Sa isang pulong balitaan kahapon ng umaga, kinumpirma ni Manila Police District (MPD) Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel na ipinag-utos na niya ang agarang pag-aresto sa tatlong pangunahing suspek sa kaso na kinabibilangan nina John Paul Solano, na siyang nagsugod kay Castillo sa Chinese General Hospital, gayundin ang mag-amang sina Antonio at Ralph Trangia, na opisyal ng Aegis Juris Fraternity.
“Both persons, Mr. Antonio Trangia and Ralph Trangia are now possible suspects, and manhunt operations would be undertaken to affect their immediate arrest and the recovery of the motor vehicle,” ayon kay Coronel.
Unang itinuring na person of interest (POI), pero ngayon ay pangunahing suspek na si Solano dahil sa magkakaibang pahayag nito hinggil sa pagkakatagpo niya kay Horacio.
Sa imbestigasyon, natuklasang bukod sa pagiging medical technologist ng San Lazaro Hospital ay freshman law student din si Solano ng UST at miyembro rin ng Aegis Juris at ito pa umano ang isa sa nag-recruit kay Castillo para sumali sa naturang fraternity.
Sa salaysay ni Solano, sinabi nitong nang matagpuan niya si Horacio sa kanto ng H. Lopez Boulevard at Infanta Street noong Linggo ay kaagad siyang nangharang ng mga dumaraang sasakyan upang madala ito sa pagamutan. Isa umanong pulang Mitsubishi Strada aniya ang nagmagandang-loob na tumulong sa kanya.
Sinabi ni Coronel na nahanap na nila ang sasakyan na may plate number na ZTV 539 na naghatid sa biktima sa ospital at nakarehistro ito sa pangalan ng isang Antonio Trangia.
“Itong si John Paul Solano who appeared before the MPD investigation section, clearly stated at that time that he only found the motionless body of the victim whom he claimed he does not know, ‘yun ang kanyang allegations. Hindi niya kilala yung katawan na natagpuan niya sa Tondo at dinala niya sa Chinese General Hospital, with the help of unidentified supposedly good samaritans,”
kwento ni Coronel.
“So clearly, as you can see, as a result of our investigation, Mr. John Paul Solano together with the assistance and cooperation of Mr. Antonio Trangia and Ralph Trangia deliberately misled our investigation on the death of Horacio Castillo by providing us false and fraudulent statements concerning the delivery of Mr. Castillo in Balut, Tondo, which we feel was a cover up for the actual murder and the killing of the victim,” paliwanag pa ng heneral.
“Yes they are the three confirmed primary suspects.”
May kuha rin umano ang CCTV sa Dapitan Street sa Sampaloc, kung saan makikita si Solano habang naglalakad kasunod si Castillo at iba pang indibidwal dakong alas-11:45 ng umaga ng Sabado o isang araw bago natagpuang patay ang biktima.
Ang naturang CCTV footage ay ipinakita sa media ni Coronel.
Nilinaw naman ni Coronel na bukod sa tatlo ay may mga iniimbestigahan pa silang mga suspek sa krimen.
Tumanggi muna itong ibunyag ang pagkakakilanlan ng mga naturang suspek ngunit tiniyak na mayroon silang malakas at solidong lead.
Kinumpirma rin naman niya na ang mga miyembro at opisyal ng fraternity ay ikinukonsidera rin nilang suspek, alinsunod sa Anti-Hazing Law.
Nalaman kay Coronel na hawak na nila ang listahan ng lahat ng opisyal at miyembro ng nasabing fraternity group.
Hihingi rin umano ang MPD ng kopya ng CCTV sa loob ng UST bilang bahagi ng imbestigasyon.