Nagpiyesta sa pambubutata ang Boston Celtics para lambatin ang Brooklyn Nets 112-104 Linggo nang gabi.
Wala si star guard Kyrie Irving (sore left hip) pero nakalsuhan pa rin ng Celtics ang six-game winning streak ng Nets.
Pinantayan ng Boston ang franchise record na 16 blocked shots na unang nilista noong Jan. 21, 1983 laban sa Chicago. May season-high 12 blocked shots na ang Celtics, anim dito mula kay Al Horford, sa first half – kapantay din ng season-best ng New York Knicks.
Umiskor ng tig-21 sina Jaylen Brown at Marcus Smart sa Boston, may double-digits din sina Aron Baynes (16), Marcus Morris (15), Terry Rozier (14) at Horford (14) na nagbaba pa ng 11 rebounds.
“We were short, Kyrie wasn’t playing. A lot of guys needed to step up and they did tonight,” bulalas ni coach Brad Stevens matapos makabawi ng Celtics mula sa 115-111 loss sa Golden State noong Sabado.
Pinamunuan ng 25 points ni D’Angelo Russell ang Nets, may 20 si Shabazz Napier. Bago ang laro ay naipanalo ng Nets ang 19 sa unang 24 games.
Kumalas ang Celtics sa ikinasang 11-0 run sa kaagahan ng final quarter. Tinapos ni Brown ang spree sa 3-pointer mula sa kanan tungo sa 102-90 lead 7 minutes pa.