Geoff Eigenmann
Kaarawan: Marso 23, 1985
Malakas siya at matatag subalit may pagkakataon na naghahari ang kanyang kahinaan. Kailangan niya ang buong suporta ng mga taong nagmamahal sa kanya upang mailabas niya ang tunay niyang galing. Mas naniniwala siya sa tagumpay kaysa kabiguan.
ARIES (Marso 21-Abril 19) – Mag-e-enjoy ka sa araw na ito kasama ang mga kaibigan. Ang minsanan mong paglabas kasama sila ay walang katumbas na saya para sa’yo. Kulang ang maghapon at magdamag para matapos ang inyong kuwentuhan. Lucky color: Pink, lucky number 3.
TAURUS (Abril 20-May 20) – Magiging mailap ang suwerte para sa’yo sa araw na ito. Kahit anong isip ang gawin mo ay hindi ka makakaisip ng tamang diskarte para maiba ang ihip ng hangin at pumabor sa’yo. Wala kang magagawa kundi palampasin ang araw na ito. Luck color: Red, lucky number: 33.
GEMINI (Mayo 21-Hunyo 20) – Nasa plano mo ang pagbisita ngayon sa isang mahal sa buhay na nakahimlay na sa sementeryo. Pero hindi mo ito maisasakatuparan ngayon dahil sa biglaang tawag mula sa trabaho. Kakailanganin ka ng grupo mo. Lucky color: Black, lucky number: 7.
CANCER (Hunyo 21-Hulyo 22) – Tuloy-tuloy lang ang suwerte mo ngayon. Ang positibo mong pag-iisip at maganda mong awra ay may malaking maitutulong para lalo pang gumanda ang araw mo. Ang suwerte ay kusang lalapit sa’yo maski hindi mo hanapin. Lucky color: Blue, lucky number: 8.
LEO (Hulyo 23-Agosto 22) – Makakaramdam ka ng kalungkutan dahil sa ilang tao na pilit kang ida-down. Wala kang alam na nagawang mali sa kanila pero palagi silang nandiyan para maghintay ng mga pagkakamaling maaari mong magawa. Lucky color: Gray, lucky number: 56.
VIRGO (Agosto 23-Setyembre 22) – Isang lihim ang maibubunyag mo nang hindi sinasadya. Madadala ka sa pakikipagkuwentuhan sa isang kaibigan. Kahit kaibigan mo siya ay mapupuno ka pa rin ng pag-aalala na baka sabihin niya sa iba ang nasabi mo sa kanya. Lucky color: White, Lucky number: 17.
LIBRA (Setyembre 23-Oktubre 22) – Hindi ka sanay na manghingi sa kapwa pero sa pagkakataon na ito ay hindi mo maiiwasan na manghingi ng tulong. Mas mananaig sa’yo ang pag-aalala mo sa kapakanan ng iyong pamilya kaya lalakasan mo na ang loob mo. Lucky color: Maroon, lucky number: 9.
SCORPIO (Oktubre 23-Nobyembre 21) – Maiipit ka sa dalawang taong may alitan. Pareho silang mahalaga sa’yo kaya hinding-hindi mo gagawin ang mamili kahit pa sumama pareho ang loob nila sa’yo. Mas pipiliin mo pa na dumistansya muna sa kanila at magpalipas. Lucky color: Green, Lucky number: 45.
SAGITTARIUS (Nobyembre 22-Disyembre 21) – Hindi lahat ng gusto mo ay mangyayari. May mga hindi sasang-ayon sa nais mo kaya kakailanganin mo pang mag-isip ng paraan kung paano mo sila makukumbinsi para lang hindi masira ang maganda mong plano. Lucky color: Purple, lucky number: 18.
CAPRICORN (Disyembre 22-Enero 19) – Makakaramdam ka ng labis na pagtatampo sa iyong mahal dahil sa hindi niya aayunan ang mga balak mo. Para sa’yo, dapat lang na ibigay niya ang full support na kailangan mo pero wala siyang balak gawin iyon. Lucky color: Peach, lucky number: 16.
AQUARIUS (Enero 20-Pebrero 18) – Lalakas ang kutob mo tungkol sa isang personal na bagay na nawawala sa’yo. Hindi mo ugali ang magbintang pero ang hinala mo ay palalakasin ng mga ebidensyang kusang lalapit sa’yo. Maniniwala kang malalaman mo ang totoo sa araw na ito. Lucky color: Beige, lucky number: 75.
PISCES (Pebrero 19-Marso 20) – Isang sorpresa ang matatanggap mo mula sa isang tao na hindi mo inaasahang magbibigay sa’yo nito. Dahil dito ay magkukulay rosas ang paligid mo. Hindi mo maiiwasan na hindi kiligin sa matatanggap mo mula sa kanya. Lucky color: Green, Lucky number: 28.