Horror movies, nakakapayat?

julius-segovia

Hindi ko ikinahihiyang matatakutin ako. Kung minsan nga, magugulatin pa. Ang nakakatawa, mahilig ako sa horror movies. Wala akong pinalalampas na pelikulang horror ang tema.

Kapag alam kong may nakakatakot o nakakagulat na eksena, ipipiring ko na ang mga kamay sa mga mata ko. Kung minsan pati mga tenga, isinasama ko sa pagtakip para hindi ko marinig ang audio ng pelikula.

Pero base sa isang pag-aaral sa University of Westminster, maraming hatid na benepis­yo ang panunood ng horror films.

Kung wala kang oras mag-gym o mag-diet, baka ito na ang solusyon para sa’yo!

Ayon sa isang dalubhasa sa cell metabolism at physiology na si Dr. Richard Mackenzie, hanggang 200 calories ang kayang i-burn ng isang tao kapag nanuod siya ng horror film na 1.5 hours ang duration. Katumbas ito ng pagtakbo nang tatlumpung minuto.

Sa isinagawang pag-aaral, tumaas ang heart rate ng mga participant na pinapanood nila ng sampung horror films.

Bukod dito, nairekord din sa research ang naranasan nilang adrenaline rush. Dahilan ito para bumaba ang appetite, tumaas ang metabolic rate at matunaw nang mabilis ang calories sa katawan ng isang tao.

Mas nakakatakot na pelikula, mas naka­tutunaw ng taba sa katawan!
Kaya huwag daw magtago sa scary scenes dahil maraming benepisyo ang nasasayang.

Nai-feature sa isang news magazine TV show ang Asylum Manila, ang patok nga­yong haunted house attraction sa Quezon City. Isa sa mga pumila rito ang nagsabing daig pa niya ang nag-gym ng buong araw. Totoo nga siguro dahil kitang-kita naman sa hitsura niyang pawis na pawis siya.

Bukod sa nakapagpapapayat, nakaka-good mood din pala ang panunuod ng horror films. Sabi rin sa study, “negative fee­lings created by horror movies actually intensify the positive feelings when the hero triumphs in the end.”

Ang sa akin lang, mabuti pa ring sumangguni sa mga eksperto kung weight loss ang usapan. Ang panunood naman ng horror films na may nakakagulat na eksena, idulog din sa espesyalista lalo na sa mga taong may iniindang sakit sa puso.