Sa Kentucky Derby, ang unang leg ng US Triple Crown Series, matinding paghihigpit sa seguridad at integridad ng nasabing karera ang ipatutupad ng pamunuan ng Churchill Downs.
Babantayan ang lahat ng kabayo at matinding screening ang gagawin sa lahat ng mga papasok na kabayo, personnel, pagkain, at mga gamit ng mga kabayong sasali kapag dinala na sila sa mga kuwadra.
Magkakaroon din ng matinding drug-testing sa mga kabayong sasali, pinasimulan na ito ng awtoridad sa Amerika ilang taon na ang nakaraan.
Dito sa Pilipinas ay isang delikadong termino itong drug-testing sa mga kabayo lalo kung ikukumpara sa mga ginagawa ngayon sa ibang bansa.
Kamakailan ay nagpalabas na ng announcements ang lokal na awtoridad sa karera na mahigpit na nilang ipatutupad ang drug-testing ng mga kabayo sa bansa.
Maraming nagtaas ng kilay sa loob ng karerahan kung totoong maipatutupad ito ng diretso at walang aalma sa major players ng industriya.
Ang drug-testing ng mga kabayo ay matagal nang napatigil dahil sa ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng korte.
Hindi pa maliwanag kung nagtapos na ang TRO na ito, o kung ang ipatutupad na drug-testing sa mga kabayo ay nai-discuss na sa mga horse owners na nagsampa ng TRO noon para ipatigil ito.
Magandang bagay ito na hinihintay ng maraming players ng industriya kasama ang mga karerista kung matutuloy ang drug-testing sa mga kabayo.