Isang horse owner ang galit na galit dahil sa dudusong pagkatalo ng kanyang kabayo sa isang karera noong Linggo na “ang Bayang Karerista ang mas malaki ang ikinatalo.”
Outstanding favorite ang kabayo nitong horse owner at sa tingin niya malaki ang panalo talaga nila sa karera at tiwalang nasa kondisyon ang kanyang kabayo.
Nang hindi nakipag-agawan sa unahan at pumigil ang inaasahan niyang “lulutsa” sa kanila, nagulat siya nang hindi naman kumuha ng bandera ‘yung kanyang kabayo.
Pumigil ‘yung kanyang kabayo, pumirmis sa segundo at pinanood ‘yung bumanderang isang kabayo.
Natalong segundo lang ang kanyang kabayo at hindi na nakuha pang abutin ‘yung bumandera.
“Nung makita ko siya (hinete n’ya), agad ko’ng tinanong kung bakit ganu’n ang dala niya sa kabayo.
Kayang-kaya namin ‘yung aire nu’ng bumanderang kabayo kaya sobrang pagtataka ko bakit hindi niya nilaban sa unahan?
Masyado matulin ‘yung bumandera, ang sagot sa kanya nu’ng hinete niya kaya sinundan niya uli ng tanong kung bakit “nakapirmis” pa rin ito sa pagsungaw ng tres-quarto papasok ng homestretch.
“Hindi ko nagustuhan mga sagot niya kaya naman sa tingin ko ang Bayang Karerista ang mas malaki ang natalo dito. Matagal na ako sa karera beterano na ako dito.
Sana naman ay nakikita rin ng mga opisyal sa karera ‘yang ganyang mga galawan.
Kawawa ang mga kareristang umasa na mananalo pero ganu’n lang matatalo nang basta-basta!” banggit ng galit na horse owner.