Horseracing, lotto pinababalik na rin

Kailangan nang mag operate ng Philippine Racing Commission (Philracom) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil malaki na ang nalalagas na pera sa gobyerno.

Simula noong Marso nang isailalim sa Enhanced Comunity Quarantine (ECQ) ang Luzon, puro labas ng pera ang pamahalaan at ginamit ito sa pagbibigay ng ayuda sa mga taong apektado ng Covid-19.

Malaki ang maitutulong sa pagbibigay ng pondo at makakabawi sa lahat ng ginastos ang administrasyong (Pangulong Rodrigo) Duterte kapag pumayag na ang Philracom sa mga race track owner na magpakarera, at binuksan na ang PCSO lotto draws.

Nang nakaraang buwan lang, hinikayat ni House Committee on Games and Amusements Vice-Chairperson, Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong ang PCSO na magbalik na sa operations via interactive at mobile lotteries para makatulong sa gobyernong makalikom ng karagdagang badyet.

Tinatayang nasa P3.75B kada buwan o P125M per day ang nawawala sa kaban ng bayan sapul ng ipatigil ang operasyon ng lotto draws dahil sa ECQ noong Marso.

Ayon naman sa bayang karerista, dapat na ring magkaroon ng karera dahil malaki ang maitutulong ng tax na makukuha sa bawat karera para sa mga nangangailangan sa panahon ng krisis. (Elech Dawa)