Imbes na mapalakas ang taun-taong Triple Crown Series sa bansa, mas lalong nawawala ang excitement ng mga racing fans dahil sa nakikitang pagbabago na hindi naman kailangan.

Ito ang nagkakaisang opinion ng mga eksperto sa karera dahil sa kawalan o kakulangan ng magagaling na 3-year-old colts at fillies na nagkukumpetensya para sa malalaking papremyong inhanda sa annual stakes series.

Ngayong taon ay ipinasok ang isa pang stakes race na kasama ng dalawang malalaking pakarera na tradisyon nang kasama ng Triple Crown Series – ang 3-Year-Old Stakes na may kabuuang papremyong P500,000.

Ito ay bagong feature ng tatlong leg na serye bukod sa main race na may kabuuang papremyong P3-million at Hopeful Stakes na meron namang total prize na P1-million.

Imbes na makatulong sa excitement sa dalawang stakes races kada leg, nabawasan ng husto dahil sa pag-ilag ng mga kalahok na nasubukan nang hindi kakayanin ang dalawang main races na nabanggit.

Ang resulta ay nawalan ng kaukulang entries lalo na sa main race na dapat na binibigyan ng halaga dahi ito naman talaga ang main focus ng Triple Crown Series.

Imbes na mag-concentrate ang mga 3-year-olds na makipaglaban sa kanilang mga kasinggulang, ‘tumatakbo’ tuloy ang mga hindi nag-perform ng maganda sa una o pangalawang leg sa Hopeful Stakes o kaya doon na lang sa 3-Year-Old Stakes.

Kaya tignan ninyo ang kinalabasan ng mga sasali na lang sa ikatlong leg ng Triple Crown Series, ang sabi ng mga eksperto sa karera.