Hospital bill sa Covid umabot sa P3.8M

Nakakalula umano ang inabot ng hospital bill ng mga pasyenteng namatay at nakarekober sa Coronavirus disease 2019(COVID19).

Ayon sa Stand for Truth, isang netizen na tumangging pabanggit ang pangalan,ang nagsabi na umabot sa P3.8 milyon ang hospital bill ng kanyang ama na naratay sa isang hospital sa loob ng 16 na araw bago tuluyang nasawi.

Nasa kritikal na kindisyon umano ang pasyente sa panahon ng pananatili nito sa hospital dahil sa virus.

Nalaman na sa unang araw pa lamang sa pagamutan ng pasyente ay nag- bill na ito ng P177,000.

Wala umanong nagawa ang mga kaanak ng pasyente dahil walang tumatanggap na hospital sa kanila.

Nabatid na P2,800 kada oras ang singil sa Emerency Room pa lamang at doon umano sila nagtagal dahil puno ang mga Intensive Care Unit (ICU).

Inabot sa mahigit sa P200,000 ang doctors fee, P400,000 ang pulmonary services at ang gamot na ginamit ay umabot sa P1.4 milyon.

Samantala, unang sinabi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sasagutin nila ang buong gastusin sa pagpapagamot ng COVID patients hanggang noong Abril 14.

Gayunman, simula Abril 15 ay nagpataw na ang Philhealth sa limitasyon sa cash assistance ng pasyente ng Covid.

Gayunman , sinabi ni PhilHealth spokesperson Dr. Shirley Domingo na may sapat na pondo ang ahensya para matulungan ang mga pasyente ng coronavirus. Aniya, maaring mag- apply ang pasyente ng karagdagang fund assistance sa pamamagitan ng pagsulat sa presidente ng Philhealth at ito ay ia-asses. (Juliet de Loza-Cudia)