Hostage drama sa Baseco: Suspek, 1 pa bulagta

Dalawa ang nasawi, kabilang ang 33-anyos na lalaking nang-hostage sa isang ginang at sa tatlong anak nito sa Baseco Compound, Port Area, Maynila noong Sabado nang gabi.

Namatay noon din ang biktimang si Rolando Salazar Vendello Jr. alas ‘Onyok’, matapos saksakin sa dibdib ng suspek.

Nabaril naman ng mga rumespondeng tauhan ng Baseco Police Community Precinct ang suspek na si Roy S. Castillo, residente ng Mabini, Batangas, nang tangkain nitong saksakin ang mga pulis.

Ligtas naman at hindi nagtamo ng anumang sugat ang ginang na si Resaly Castillo at ang tatlo nitong mga anak na pawang menor de edad.

Nabatid na hipag si Resaly ng nasawing si Vendello.

Sa imbestigasyon ni PMSg. Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, nangyari ang hostage-taking dakong alas-8:30 nang gabi sa loob ng bahay ng mga biktima sa Block 15-B, Baseco Compound.

Nalaman na bisita lamang umano ang suspek ng kapatid ni Resaly at nag-inuman sa eskinita sa labas ng kanilang bahay kasama ang iba pang kaibigan.
Habang nagkukuwentuhan ay nagkaalaman umano sila na magkamag-anak ang pamilya ni Resaly at ang suspek dahil sa parehong apelyido.

Gayunman, sa hindi pa mabatid na dahilan ay pumasok umano ang suspek na noo’y lasing na, sa bahay ng mga biktima habang may hawak na patalim at pinigilang makalabas ang mag-iina.

Agad namang naitawag sa barangay at Baseco Police Community Precinct ang insidente kaya rumesponde ang mga pulis. (Juliet de Loza-Cudia)