Matagumpay na nai­ligtas ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 3 (MPD-PS 3) at Special Weapon and Tactics, ang 11-buwan sanggol mula sa isang la­laking nang-hostage matapos ang mahi­git na tatlong oras na negosasyon sa Sta. Cruz, Maynila kahapon.

Sa panayam kay Police Chief Inspector John Guiagui, commander ng Plaza Miranda Police Community Precinct, alas-3:30 ng hapon nagsimula ang insidente na natapos ng alas-6:40 ng gabi sa 1707 Felix Huertas St. Sta. Cruz, Maynila.

“Dinamba lang siya hindi siya binaril, nilito lang namin siya dahil hindi ko ipinahinto ‘yung negosasyon. Habang pumapasok kami sa isang pintuan sa likod ng bahay med­yo natulala siya dahil big­la ‘yung aksiyon, inagaw namin kaagad ‘yung bata at saka siya dinamba,” ani Guiagui.

Ayon kay Purification Endenares, 68, at anak nitong si Annalyn, 27, ina ng sanggol, nagulat sila nang pumasok ang suspek na armado ng dos-por-dos at isang plurera sa bahay ng kanilang amo na pamil­ya Sagmit at dinakma ang sanggol at hinostage.

Iniimbestigahan ng MPD-PS 3 ang motibo na nagtulak sa suspek para mang-hostage.