Arestado ang isang houseboy nang makumpiskahan ng anim na piraso ng pana nang sitahin ng mga awtoridad dahil sa hindi pagsusuot ng facemask habang nasa labas ng kanilang tahanan sa Novaliches, Quezon City nitong Sabado ng gabi.
Ang suspek ay nakilalang si Fancis Cardenio Comot, 39, binata, houseboy at residente ng No. 17 Sales St., BIR Village, Brgy. Sauyo, Novaliches,QC.
Si Comot ay naaresto dakong alas-8:00 ng gabi sa Dalia extension BIR Village ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni PSSg. Julius P.Raz ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nagsasagawa ng COVID-19 checkpoint inspection ang District Traffic Enforcement Unit sa pamumuno ni PMaj. Michael Sanchez kasama si PSSg. Ruel Ang sa nasabing lugar.
Sakay ng mobile ay naispatan ng mga awtoridad ang tatlong katao na walang suot na face mask na nasa kalye kaya agad nila itong nilapitan upang sitahin subalit agad na nakatakbo ang dalawa at nadakma si Comot.
Nakumpiska kay Comot ang isang blue pouch, pana sling shot at anim na piraso ng improvised pana.
Siya ay kakasuhan ng paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases of Health Events of Public Health Concern Act, RA 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, Resisting and Disobedient to a person on authority, at illegal possession of bladed weapons. (Dolly Cabreza)