Sir/Mam,
Gusto ko na po umuwi kasi lagi kaming nag-aaway ng amo ko mula noong isang buwan po ako dito mainit na po dugo nya sa akin hanggang umabot ako ng tatlong months nagpapaalam na po ako sa kanila kasi laging sinasabi di daw maganda trabaho ko lagi naninigaw umabot po ako ng 7 months di ko na po nakayanan nagpatulong ako sa agency dito sa Riyadh para mapauwi kasi nanghihina ako at di ko kaya magtrabaho.
Tumawag ung agency sa amo ko sinaktan ako ng amo kong lalaki hinila-hila nya ako pababa sa hagdan papunta sa kusina sinampal po nya ako tapos walang humpay na bangayan namin ng amo kong babae hanggang nitong April 24 taong kasalukuyan.
Nagkasakit ako diko kya magtrabaho pinagpahinga naman po ako tas April 25 nagpunta kami hospital April 26 ng umaga 8:00am ginising ako ng amo kong lalaki para magtrabaho nanghihina ako sumisigi ung ulcer ko pero bumaba ako pagbaba ko sa kusina may nadatnan akung sulat ng amo ko lalaki nakasulat don di daw maganda work ko kakaltasan daw sahod ko tapos biglang nagbubunganga amo ko babae ang dumi dumi daw ng bahay kakaltasan daw sahod ko.
Sabi ko Madam masakit tyan ko di ko kaya magtrabaho nanghihina ako kung kakaltasan nyo sahod ko pauwiin nyo nlang ako kahit sa akin na pamasahe ko makauwi lang ako.
Sabi nya tapusin ko daw contract ko bayaran ko daw nagastos nila tapos pinapapermahan ung papel ayaw kung permahan ang ginawa ko nagtungo ako sa kwarto ko pipicturan ko sana kaso biglang hinila madam ko buhok ko sinabunutan ako pinag- aagawan namin cp ko ayaw ko ibigay nag-iiyak na po ako hanggang tumaas ung amo ko lalaki pinaghahampas nya ako ng patpat hangang mapahiga ako sa sahig inapakan nya ung leeg ko sabay hampas sa akin hanggang napaperma nila ako gusto ko tumakas nong time na un pero wala akung kapera pera at wala akong gamit kinumpiska nila lahat 1week bago nila binalik cp ko.
Kung di pa tumawag mama ko sa amo ko di pa nila binigay cp ko hanggang ngayon po panay away namin binuhusan pa ng amo kong babae ang kamay ko ng flash sobrang kati sana po matulongan nyo po ako makauwi ayaw ko na po magtrabaho pagod na po ako at natatakot po ako lagi po ako nagpapaalam kaso ayaw nila ako pauwiin.
— Mariecar L. Calaunan
***
Nananawagan kami sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) gayundin sa mga tauhan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh Saudi Arabia na saklolohan ang kababayan nating si Mariecar.
Nauna nang dumulog si Mariecar sa United OFW Worldwide na pinamumunuan ni Ginoong John Leonard Monterona at ipinaabot sa kinauukulan ang kaso pero nananatiling walang aksyon ang mga nabanggit na ahensya ng gobyerno na dapat ay nakatutok sa kalagayan at kapakanan ng mga kababayan nating OFWs.
Sa pamamagitan ng paglathala namin ng liham ni Mariecar ay umaasa kaming makakalampag ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at makagawa ng karampatang aksyon sa lalong madaling-panahon. Hawak po naming ang contact number ni Mariecar gayundin ang recruitment agency na nagpadala sa kanya sa Riyadh.
***
Isang paanyaya ang nais naming ipaabot sa mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) na nahahaharap sa samu’t saring problema saanmang sulok ng bansa. Magpadala lamang ng inyong liham sa bayaningOFW_tonite@yahoo.com o sa bayaning OFW.tonite@gmail.com.