Housing project ng Simbahan sa Marawi walang mapagtayuang lupa

Inaasahang matatagalan pa bago umano maisakatuparan ang proyektong pabahay ng Simbahang Katolika para sa mga residente ng Marawi City na naapektuhan ng limang buwang giyera sa pagitan ng militar at mga terorista noong 2017.

Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, limitado ang mga lupa at lugar ng mga sibilyan dahil pinagbabawalan sila ng militar na makapagtayo ng bahay sa mga lupang sakop ng kampo ng mga sundalo.

Hindi pa rin aniya pinapayagang makababalik sa ground zero ang mga residente, kabilang ang nasa 150 pamilyang Kristiyano na naninirahan pa rin sa mga tent at nakikituloy sa mga kamag-anakan.

“The problem really is the land, we cannot get any kind of land in Marawi,” ani obispo.

Ilan sa mga residente ang patuloy na nakatira sa mga evacuation center at mga make shift home dahil nakapaloob sa kampo ng militar ang mga lugar na kinatatayuan ng kanilang bahay.

Nais din umano ng mga sundalo na okupahin ang halos isang ektaryang lupa na pag-aari ng mga Carmelite Nun para pagtayuan ng panibagong kampo.

Inamin ng obispo na tinanggihan ng Simbahan ang nais ng militar na sumailalim sa expropriation procee-dings ang nasabing lupa at babayaran sa halaga nito upang magamit ng pamahalaan.

Gayunman, handa naman aniya siya sa isang compromise deal para maisakatuparan na ang proyekto. (Mia Billones)