HPG na nag-suicide, na-guilty?

Ikinalungkot ng kapatid ng napatay na motorcycle rider na si John Dela Riarte ang sinasabing pagpapakamatay ng isang tauhan ng Highway Patrol Group-Philippine National Police (HPG-PNP) na sangkot sa pagpatay sa una sa Makati City noong isang buwan.

“We want a by-law justice, not like that,” pahayag ni Robert Dela Riarte patungkol sa pagpapakamatay ni PO3 Jeremiah De Villa sa mismong sa rooftop ng isang gusali ng PNP Building sa loob mismo ng Headquarters sa Camp Crame, Quezon City, kahapon ng umaga.

Si De Villa ay isa sa sinasabing tauhan ng HPG inaakusahang nakabaril at nakapatay John Dela Riarte sa may Estrella, Edsa, Makati City.

Kasama ni PO3 De Villa na nakasuhan ng murder at robbery ay si PO2 Jonjie Manon-og.

Ipinapalagay din ng kaanak ni John na maa­ring winakasan ni De Villa ang kanyang buhay dala ng konsensiya.

“We could say he found himself guilty of what happened to my young bro­ther,” pahayag ni Robert sa isang panayam sa online news kahapon.

Matatandaang alas-9:45 ng umaga kahapon nang ideklarang dead-on-arrival si De Villa sa PNP General Hospital sa Camp Crame matapos na tuma­lon mula sa bubungan ng nasabing gusali.

Bago ang insidente ay dumalo pa umano nitong Biyernes si De Villa sa preliminary investigation sa DOJ kaugnay sa kanyang kasong kinakaharap.

Inaaya rin umano nitong lumalabas ang kanyang abogado at halos tumanggi rin umanong pirmahan ang kanyang counter affidavit.

Matatandaang nag-ugat ang pagsampa ng nasabing kaso kay De Villa at Manon-og makaraang arestuhin umano nila ang motorcycle rider na si John noong Hulyo subalit pumalag umano ito kung kaya’t pinagtulungan bugbugin hanggang sa sapilitang pinasok sa loob ng kanilang patrol car si John at patuloy pa rin umanong nanlaban hanggang sa mabaril ito.