Dinakip ang isang pasahero ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) nang mahulihan ito ng marijuana sa Cubao station sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Dir. P/Brig. General Joselito Esqui­vel, Jr. ang suspek na si Aarol Josh Barreda, 22-anyos, binata, Hotel and Restaurant Management (HRM) graduate at taga-No. 819, Roxas St., Brgy. 568, Sampaloc, Maynila.

Si Barreda ay dinakip dakong alas-5:30 nang hapon sa South Entrance Gate ng LRT 2 Gateway Cubao.

Sa report, sasakay sana ng LRT-2 ang suspek subalit pagdaan nito sa inspeksyon ay nakuha sa kanya ang isang plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana at dalawang improvise glass tubes.

Agad na pinigil ni Roberto Agoot, duty guard ng LRT-2, ang suspek at humingi ng tulong sa Police Station 7 at Regional Mobile Force Batta­lion (RMFB) para iturn-over.

Nakakulong ngayon ang suspek sa QCPD station 7 at nahaharap sa kasong possesion of illegal drugs. (Dolly Cabreza)