Isang hubad na katawan ng isang 42-anyos na ginang ang natagpuang tadtad ng saksak sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City, Lunes nang gabi.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, alas-7:30 nang gabi nang madiskubre ang walang buhay at hubad na katawan ni Florinda De Villion, 42, ng ama nitong si Banjamin, na duguan sa 107 Laon Laan St. Brgy. 31 matapos nitong ihatid ang apo sa bahay ng kanyang nanay.

Nabatid na mag-isa lang ang biktima sa bahay nang maganap ang insidente dahil pumasok sa trabaho ang live-in partner nitong si Abe Pecayo, habang nasa paaralan naman ang kanilang anak.

Ayon kay Col. Flores, alas-dos nang madaling-araw ng Martes nang masakote sa follow-up operation sa Libertad St. Pasay City ng mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct 2 sa pangunguna ni P/Capt. Herson Manegdeg si Jay-Ar Malano, kapitbahay ng biktima.

Inamin ng suspek ang krimen subalit itinanggi nito na ginahasa niya ang biktima. Kalalabas lang sa banyo ng ginang at nakatapis ng tuwalya nang pasukin niya sa bahay bandang alas-10:00 ng Lunes nang umaga.

“Parang nademonyo lang ako, may bumubulong kasi sa akin na tuluyan ko na kaya nagawa ko ang krimen,” pahayag ni Malano sa pulisya.

Isang saksi ang lumutang at sinabing nakitang may mga sugat ang kamay ng suspek habang bumibili ng adhesive bandage sa kalapit na tindahan ilang sandali matapos ang kaguluhan sa bahay ng biktima na nagresulta sa pagdakip kay Malano. (Vick Aquino)