Nangyari na ang pinangangambahan ng marami na unti-unting paghihiwalay ng landas ng US at Pilipinas.

Ito ay dahil nag-umpisa nang mag-pull out ng ilang kagamitan, transport vehicle ang US military na naka-deploy sa Zamboanga City.

Nito lamang Linggo ay dumating sa Zamboanga International Airport ayon sa PNP Aviation Security Group ang US C-17 transport plane para kunin ang ilang service vehicles at equipment ng mga sundalong Amerikano.

Ang ugat ng lahat ng ito ay ang pagpapalayas ni Pangulong ­Rodrigo Duterte sa tropa dahil sa panghihimasok ng US government sa pangunguna ni US President Barack Obama sa laban ng gobyernong Duterte sa iligal na droga.

Alam nating hindi ito ang direktang mensaheng sinasabi ng Pangulo­ sa pagpapalayas ng US military troops sa Mindanao kundi ang pangambang mabiktima ang mga ito ng mga bandidong grupo sa Katimugang bahagi ng Pilipinas pero kahit anong rasong ibigay ay hindi maitatangging konektado ang aksyon ng Pangulo sa pagsawsaw ng US sa giyera kontra iligal na droga ng Duterte government.

Pero dumating na sa puntong kailangan nang tumugon ng US sa abiso ng lider ng ating bansa.

Kaya ang sa amin, hindi sana ito makadagdag sa napakarami nang isipin ng Pangulo para sa ating bayan.

Higit sa lahat ay sa ganitong aspeto lamang sana humantong ang usapin o ang pagpapatigil ng deployment ng US troops sa Mindanao at hindi ang tuluyang paghihiwalay ng landas ng US at Pinas na napakahabang panahon nang may magandang ugnayan at nagbebenepisyo sa bawat isa.

Tutal din naman ay Pebrero 2015 lamang nakabalik ang mga sundalong Amerikano sa ilalim ng Joint Special Operation Task Force Philippines (JSOTF-P) matapos na itigil ang kanilang misyon sa Western Mindanao lalo na ang deployment ng mga US troops on rotation basis sa loob ng 13 taon.