Markado ang reigning champion Thailand at silver medalist Myanmar pero handa silang harapin ng host Philippines sa simula ng sepak takraw competition sa 30th Southeast Asian Games na babanat sa Subic Gymnasium.

Nasilo ng Thailand (6-1-0) at Myanmar (4-2-1) ang top two finish may dalawang taon na ang nakaraan sa Kuala Lumpur games habang pangatlo ang host Malaysia (2-3-6).

Pero posibleng mabago ang placing sa podium dahil nasa kukute nila ang makuha ang top spot sa tulong ng homecourt advantage.

Sasabak ang national team sa lahat ng anim na events habang ang Thailand at Myanmar kasama ang Indonesia, Laos, Singapore, Cambodia at Vietnam ay makakasali lamang sa tatlong event (2 sa men’s at 1 sa women’s).

Bukod sa hangad na sumilo ng unang gintong medalya, nakatuon ang locals na humablot ng kahit tatlong ginto upang makatulong sa bansa na pakay na sikwatin ang overall championship.

Ibabandera ng Pilipinas sina seasoned player Jason Huerte, Reyjay Ortuste at Ronsted Cabayeron na nanalo ng silver medal sa men’s regu event ng 2017 SEAG.

Sina Mary Ann Lopez, Jean Marie Sucalit at Lheill Lhaina Mangubat ang pambato sa women’s team. (Elech Dawa)