Tanong ko lamang po. Ano po ibig sabihin ng panaginip kong naghuhukay ako isang gabi at sa paghuhukay ko po may nakita akong mga mata sa lupang hinukayan ko. Nakatingin sa akin ang mga mata at parang nagmamakaawa. Hope masagot nyo po ang aking panaginip.
Mina
May dalawang simbolismo sa iyong panaginip: ang mga mata at ang paghuhukay mo. Ang paghuhukay sa panaginip ay indikasyon na sa aktuwal na buhay, may mga katanungan kang inihahanap ng kasagutan, problemang inihahanap ng solusyon at posible ring hinahanap mo ang iyong sariling identity.
Ang paghuhukay sa panaginip ay sumisimbolo sa paghahanap. Halimbawang ikaw ay nasa isang masalimuot na sitwasyon at pilit kang naghahanap ng paraan para malusutan mo anuman ang iyong kinakaharap.
Pag-aralan mo kung ano ang tinatakbo ng buhay mo at tanungin ang sarili kung merong nakakabalisa sa iyo. Halimbawa, meron kang negosyo na nagsara o nalulugi dahil sa epekto ng coronavirus pandemic. Kung nasa ganito kang sitwasyon dito mo maikokonek ang iyong panaginip na naghuhukay ka: naghahanap ka ng solusyon, nangangamba ka na hindi ka na makabawi pagtapos ng sitwasyong ito. Dito mo makikita ang solusyon kung ano ang hinuhukay mo sa iyong panaginip.
Ang mga mata na malungkot na iyong nahukay ay maaaring representasyon ng iyong sarili. Sa iyong paghahanap ng kasagutan, sa iyong paghuhukay, ang mga matang malungkot na nakita mong nakatingin sa iyo na parang nagmamakaawa ay representasyon ng iyong sarili, maaaring ito ang naging mensahe ng iyong subconscious. Posible ito kung nararamdaman mo sa sarili mo na nawawalan ka ng pag-asa kaya ito ang sinasabi ng iyong subconscious, nagmamakaawang mga mata. Nagmamakaawa ba ang mga mata para maiahon ka sa pagkakabaon sa mga problema? Ikaw ang makakasagot nito.
Ang mga mata ay sumasalamin sa iyong emosyon. Pero hindi ka dapat mawalan ng pag-asa dahil nasa iyong mga kamay ang solusyon. Dahil ang mga mata ay puwede ring mensahe na gamitin mo ang mga mata mo, magmasid, maging alerto para makita mo ang mga dapat mong gawin sa iyong buhay.
Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com