Nanawagan si United Nations Special Rapporteur on Extra-Judicial Executions Agnes Callamard sa gobyerno ng Pilipinas na sana ay huli na ang 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos na naging biktima ng kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno.

Sa pamamagitan ng social media ay ipinaabot ni Callamard ang kanyang saloobin sa pangyayari kasabay ng paghahatid sa huling hantungan kay Kian.

Isa si Callamard sa maigting ang pagtutol sa war on drugs ng pamahalaan at nag-aakusang resulta ng extrajudicial killings ang kinahahantungan ng mga operasyong pulisya dahil madalas ay nagiging madugo at may mga napapatay.

Nakikiisa tayo sa panawagang ito ng UN Rapporteur na siya ring apela ng marami nating kababayan na nangangamba sa serye ng madugong operasyon kontra iligal na droga na ipinatutupad ng mga awtoridad.

Hindi tayo tutol sa magandang hangarin ng pamahalaan na lipulin ang mga nagpapakalat ng iligal na droga pero ang sa amin, huwag hayaang dumanak ang dugo sa mga operasyon kung kakayanin naman itong mangyari.

Marami rin kasing anti-drug operation na ikinakasa ang ating kapulisan pero buhay na naaaresto ang mga suspek.

Kaya sana ay pairalin ang mapayapang giyera kontra iligal na droga para walang buhay na nalalagas, lalo na sa hanay ng mga kabataan.

May panahon pa para itama ang lahat upang maging matagumpay ang pamahalaan sa war on drugs nang hindi dumadanak ang dugo.