
Sangkaterba ang buena-mano sa unang araw ng implementasyon ng no-contact apprehension policy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Sa unang mga oras lamang ay umabot agad sa mahigit 100 sasakyan ang huling-huli ng mga nakapuwesto nilang CCTV cameras na lumabag sa batas trapiko.
Kinumpirma ni Ronie Rivera, pinuno ng MMDA no-contact apprehension policy, mula alas-10:00 kahapon ng umaga nang pormal na ilunsad ang naturang programa hanggang alas-12:30 ng tanghali ay umabot agad sa 176 iba’t ibang sasakyan ang nahuli.
“Mula nang mag-lunch kami ng alas-10:00 ng umaga hanggang alas-12:30, 176 na ang aming nahuli. Halo-halo, may private, may motor pero karamihan mga public utility buses na nagsasakay sa bawal na sakayan at babaan,” ayon kay Rivera.
Sa katunayan, ang isang bus na Joanna Jesh na may terminal sa Western Bicutan, Taguig ay binigyan na agad nila ng summon dahil sa paglabag nito sa loading at unloading.
Una nang tiniyak ni MMDA Chairman Emerson Carlos, walang magiging agrabyado sa implementasyon ng no-contact apprehension policy.
Paglilinaw pa ni Carlos, bago pa man magbayad ng multa ang isang nahuli ay bibigyan pa sila ng pitong araw para i-contest kung sa tingin nila ay kuwestiyonable ang pagkakahuli sa kanila.
“Meron silang opportunity na i-contest before sila kailangan magbayad, kung may tanong o protesta sa huli maaaring isampa sa Traffic Adjudication Board (TAB) sa loob ng pitong araw pagkatanggap ng summon,” ayon kay Carlos.
Sa ilalim ng no-contact apprehension policy, gagamit na lamang ng closed-circuit television (CCTVs) cameras sa paghuli ng mga pasaway na motorista na siyang magsisilbing basehan at ebidensya sa ipapadalang traffic violation ticket o summon.
Mayroong mahigit 200 cameras ang ipinuwesto sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na walang nakakaalam at hindi madaling makita.