Nabuking ang pagtatangka ng isang 43-anyos na driver na palitawing `hulidap me’ ang pagsita sa kanya ng dalawang pulis-Maynila sa isang checkpoint, kamakailan sa Ermita, Maynila.
Sa halip, ang suspek na si Jerry Plaza, driver at residente ng #12 Luzon Avenue, Brgy. Pasong Tamo, QC ang sinampahan ng kasong paglabag sa RA 4200 Anti Wiretapping Law sa Manila Prosecutors Office.
Ito ay matapos na mabuko na inire-record nito sa kanyang cellphone ang pag-uusap nila ng mga pulis na sina Patrolman Samruss Enoc at Robenar.
Nalaman na pumunta kamakalawa ng ala-1:00 ng hapon ang suspek sa Barangay 701 Zone 77 para magreklamo hinggil sa umano’y naganap na insidente sa kanya noong Mayo 18 kung saan sinita siya ng dalawang pulis na nasa Quarantine Checkpoint sa Roxas Boulevard.
Sinabi ni Plaza na habang minamaneho niya ang Toyota Fortuner na may plakang RBG-545 nang sitahin siya ng 2 pulis at hanapin ang kanyang lisensiya.
Nang wala umano siyang maipakita, sinasabing sumakay sa kanyang sasakyan ang dalawang pulis at binantaan siyang huwag gumawa ng komosyon.
Pagtapat sa Aloha Hotel, nakakuha umano ng pagkakataon si Plaza na tumakas habang abalang nag-uusap ang dalawa kung saan iniwan umano niya ang kanyang sasakyan na may lamang P2.8 milyon.
Sanhi ng matinding alegasyon ni Plaza, minabuti ng Barangay na dalhin siya sa Manila Police District-Police Station 5, nagsagawa ng back track ng record ng CCTV ang Aloha Hotel at Barangay 701 ang istasyon ng pulisya kung saan lumabas na walang katotohanan ang salaysay ng suspek.
Gayunman, alas-8:45 ng gabi nang mapansin ni Enoc na nasa investigation room na rin at inire-record ng suspek sa kanyang cellphone sa pamamagitan ng audio ang imbestigasyon dahilan kaya napilitan ang imbestigador na si PSMS Virgilo Ninon na tingnan ang cellphone ni Plaza.
Kasunod nito ay kumambiyo na si Plaza at inamin na ang pera ay nai-deliver na niya sa dalawang lalaking Chinese national. (Juliet de Loza-Cudia)