Huling baraha

Noong Disyembre 5, inanunsyo ni Pangulong Duterte sa harap ng mga opisyal ng ­gobyerno na nakapulong sa Albay, na ipadadala niya sa Utrecht si Secretary Silvestre Bello III, ang pinuno ng peace panel ng ­gobyerno, upang kausapin si Jose ­Maria Sison tungkol sa ­pagbuhay muli ng ­usapang pangkapaya­paan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front.

Ito na raw ang kanyang “huling baraha”. “This is my last card. When I say my last card, my time is ­running out,” aniya.

Magandang balita sana ito, matapos kanselahin ni Duterte ang nakatakdang peace talks noong ­Hunyo 2018, sa bisperas ng paglagda sa mga ­kasunduan sa mga repormang sosyo-eko­nomiko at para sa pansamantalang tigil-putukan; pormal na pagwakas ng usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng kanyang Proclamation No. 360 noong Nobyembre; pagbuo ng National Task Force to End ­Local ­Communist Armed Conflict sa pamamagitan ng Executive Order 70 noong Disyembre; paglunsad ng todong giyera laban sa mga komunidad ng magsasaka at lumad sa kanayunan; walang habas at malawakang kampanya ng ­red-tagging, pananakot, pagpapaku­long batay sa tanim na ebidensya at gawa-gawang kaso, at pagdukot o pagpaslang sa mga lider at kasapi ng mga ligal na organi­sasyong binansagan ng mga opisyal ng ­administrasyon bilang “front organizations” ng CPP-NPA.

Magandang balita, dahil hindi kamay na bakal laban sa mga mamamayang lumalaban kundi tanging mga reporma sa mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan, tulad ng libreng pamamahagi ng mga lupang sakahan at ­pagtaguyod ng pambansang ­industriyalisasyon, na sinisikap mapagkasunduan sa usapang pangkapayapaan, ang magwawakas sa armadong tunggalian sa ating lipunan.

Sa kasamaang palad, tila nakadisenyo para mabigo ang alok na ito ni Duterte na muling buksan ang usapang pangkapayapaan. Nagtatakda siya ng mga kondisyon na alam ­niyang hindi maaaring tanggapin ng ­National Democratic Front (NDF).

Unang-una rito ang hiling na ganapin ang negosasyon sa loob ng Pilipinas sa halip na sa isang neutral na lugar sa labas ng bansa. Alam ng NDF na kung pumayag sila rito, vulnerable ang kanilang mga negosyador sa pagsalakay ng militar at pulis. Marami sa kanilang hanay ang inaresto na o tinutugis, habang biktima ng extra-judicial killing ang NDF consultant na si Randy Malayao.

Hindi tuloy mala­yong isipin na isa ­lamang palabas itong “huling baraha” ni Duterte. Gagamitin ang pagtanggi ng NDF sa kanyang hindi katanggap-tanggap na alok upang isisi sa kanila ang kabiguan ng peace talks at ipangatwiran sa publiko ang susunod at mas mabangis na daluyong ng panunupil sa mga aktibista, taga­pagtanggol ng karapatang pantao, unyonista, magsasaka, kabataan, kababaihan, katutubo at lumad, at iba pang sektor ng lipunan na mulat, organisado, at mapayapang lumalaban para sa ­karapatan at kagalingan ng ­nakararami.